2 Mga Cronica 17 RTPV05

Ang Paghahari ni Jehoshafat

1 Ang humalili kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat, at pinalakas nito ang kanyang paghahari laban sa Israel.

2 Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may pader sa Juda at nagtayo ng mga kampo sa buong bansa, pati sa mga lunsod ng Efraim na nasakop ng kanyang amang si Asa.

3 Pinatnubayan si Jehoshafat ni Yahweh sapagkat tinularan niya ang mabuting pamumuhay ng kanyang ama noong una. Hindi siya sumamba sa mga Baal.

4 Nanalig siya sa patnubay ng Diyos ng kanyang ama. Sinunod niya ang Kautusan ng Diyos at hindi tinularan ang ginawa ng mga naging hari ng Israel.

5 Kaya, pinatatag ni Yahweh ang kaharian ni Jehoshafat at ang buong Juda ay nagbuwis sa kanya. Nagkaroon siya ng maraming kayamanan at malaking karangalan.

6 Masigla siyang naglingkod kay Yahweh. Inalis niya sa buong Juda ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga rebulto ni Ashera.

7 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, inutusan niya ang kanyang mga opisyal na sina Benhayil, Obadias, Zacarias, Netanel, at Micaias na magturo sa mga lunsod ng Juda.

8 Kasama rin nila ang mga Levitang sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonijas, Tobias, Tobadonijas at ang mga paring sina Elisama at Jehoram.

9 Nagturo sila sa mga lunsod sa buong Juda na dala ang aklat ng Kautusan ni Yahweh.

Ang Kapangyarihan ni Jehoshafat

10 Ang mga kaharian sa palibot ng Juda ay pinagharian ng takot kay Yahweh kaya't hindi nila dinigma si Jehoshafat.

11 Nagpadala sa kanya ng mga pilak ang mga Filisteo bilang buwis. Nagbigay naman ang mga Arabo ng pitong libo't pitong daang lalaking tupa at gayundin karaming kambing na lalaki.

12 Lalong naging makapangyarihan si Jehoshafat. Pinaderan niya ang mga lunsod sa Juda at nagpatayo ng mga lunsod-imbakan.

13 Napakarami ng kanyang inipong kayamanan sa mga lunsod ng Juda. Naglagay siya ng matatapang na kawal sa Jerusalem.

14 Ganito ang kanilang mga pangkat ayon sa kanilang mga angkan—sa lipi ni Juda: tatlong daang libong kawal. Si Adna ang pinakamataas nilang pinuno.

15 Pangalawa si Jehohanan na namahala sa pangkat na binubuo ng dalawandaan at walumpung libo.

16 Ang pangatlo ay si Amazias na anak ni Zicri na kusang-loob na naghandog ng paglilingkod kay Yahweh. Ang pinamahalaan naman niya'y dalawandaang libong matatapang na kawal.

17 Sa lipi ni Benjamin: si Eliada, isang mahusay na kawal, ang namahala sa pangkat na may dalawandaang libong may sandatang mga pana at panangga.

18 Ang pangalawa sa kanya ay si Jehosabad na namahala naman sa sandaan at walumpung libong kawal na handa sa pakikipaglaban.

19 Ang mga pangkat na ito ang naglingkod sa hari, bukod sa nakapuwesto sa mga may pader na lunsod sa buong Juda.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36