1 Namatay si Jehoshafat at inilibing sa Lunsod ni David sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoram.
2 Ang iba pang mga anak na lalaki ni Haring Jehoshafat ng Juda ay sina Azarias, Jehiel, Zacarias, Azarias, Micael at Sefatias.
3 Pinamanahan sila ng kanilang ama ng maraming pilak, ginto at iba pang mahahalagang ari-arian. Binigyan din sila ng mga may pader na lunsod sa Juda, ngunit kay Jehoram ibinigay ang paghahari sapagkat siya ang panganay.
4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram, pinatay niya ang kanyang mga kapatid at ang ilan pang pinuno sa Juda.
5 Tatlumpu't dalawang taon siya nang magsimulang maghari at walong taóng namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan.
6 Sapagkat napangasawa niya ang anak ni Ahab, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siya tulad ng mga naging hari ng Israel, tulad ng sambahayan ni Ahab.
7 Ngunit ayaw wasakin ni Yahweh ang paghahari ng angkan ni David alang-alang sa kanyang pangako kay David. Ipinangako ni Yahweh na ang paghahari ay hindi niya aalisin sa angkan ni David magpakailanman.
8 Nang panahon ng pamamahala ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari.
9 Inilabas ni Jehoram at ng kanyang mga pinuno ang lahat nilang karwahe at sinalakay ang Edom. Gabi nang sila'y sumalakay, ngunit napaligiran sila at natalo.
10 Kaya mula noon, hindi na muling nasakop ng Juda ang Edom. Naghimagsik din kay Jehoram ng Juda ang Lunsod ng Libna dahil sa pagtalikod nito kay Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
11 Hindi lamang iyon, nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan.
12 Tumanggap si Jehoram ng isang sulat mula kay Elias na isang propeta. Ang sabi sa liham: “Ito ang mensahe ni Yahweh, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Hindi mo sinundan ang halimbawa ng iyong amang si Jehoshafat at ni Asa na hari sa Juda.
13 Sa halip, ang sinunod mo'y ang ginawa ng mga hari sa Israel. Inakit mo sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab. Pinatay mo ang iyong mga kapatid at kasambahay na mas mabuti kaysa iyo.
14 Dahil dito, paparusahan ni Yahweh ang iyong bayan, ang iyong mga asawa't anak, at mawawasak ang lahat ng mga ari-arian mo.
15 Magkakasakit ka nang malubha at luluwa ang mga bituka mo sa tindi ng hirap na daranasin mo sa araw-araw.’”
16 Ginamit ni Yahweh ang mga Filisteo at ang mga Arabong malapit sa Etiopia laban kay Jehoram.
17 Kaya't nilusob ng mga ito ang Juda at sinamsam lahat ang ari-arian sa palasyo. Binihag nila ang lahat ng anak at asawa ng hari, maliban sa kanyang bunsong anak na lalaking si Ahazias.
18 Pagkatapos niyon, si Jehoram ay pinadapuan ni Yahweh ng malubhang sakit sa bituka, isang karamdamang walang lunas.
19 Makalipas ang dalawang taon, lumuwa ang kanyang bituka at dumanas siya ng matinding hirap hanggang sa siya'y mamatay. Hindi man lamang siya ipinagluksa ng kanyang mga kababayan; di tulad ng ginawa nila sa kanyang mga ninuno.
20 Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taon nang magsimulang maghari, at walong taon siyang namahala. Wala isa mang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Doon siya inilibing sa Lunsod ni David ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari.