2 Ngunit sinabi ni Yahweh kay propeta Semaias:
3 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng Juda at sa lahat ng mga Israelitang taga-Juda at Benjamin,
4 na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag na ninyong salakayin ang inyong mga kapatid. Hayaan na ninyo silang makauwi sa kani-kanilang tahanan. Ako ang may kagustuhan nito.’” Sinunod nga nila ang ipinasabi ni Yahweh. Nag-uwian na sila at hindi na nila dinigma si Jeroboam.
5 Sa Jerusalem tumira si Rehoboam at pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod na ito sa Juda at Benjamin:
6-10 Bethlehem, Etam, Tekoa, Beth-sur, Soco, Adullam, Gat, Maresa, Zif, Adoraim, Laquis, Azeka, Zora, Aijalon, at Hebron.
11 Pinatibay niya ang kuta ng mga ito, nilagyan ng kani-kanilang pinuno at mga imbakan ng pagkain, langis at alak.
12 Naglagay rin siya ng mga sibat at mga panangga sa mga nasabing lunsod. Pinatibay niyang mabuti ang mga lunsod na ito. Sa ganitong paraan, napanatili niya sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Juda at Benjamin.