1 Namatay si Abias at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Asa. Sampung taon itong naghari at sa panahong iyon ay naging mapayapa ang Juda.
2 Ginawa ni Asa ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh na kanyang Diyos.
3 Ipinagiba niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at ang mga bahay-sambahan ng mga pagano; ibinuwal niya ang mga sinasambang haligi at winasak ang mga rebulto ng diyosang si Ashera.
4 Iniutos niya sa mga taga-Juda na sumunod sa kagustuhan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kanyang kautusan at mga tuntunin.
5 Sapagkat ipinaalis niya ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga altar ng insenso sa mga lunsod ng Juda, naging mapayapa ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamamahala.
6 Pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod sa Juda. At sa loob ng ilang taon ay hindi sila nagkaroon ng digmaan sapagkat binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan.
7 Sinabi niya sa mga taga-Juda, “Patibayin natin ang mga lunsod na ito at paligiran natin ng mga pader na may mga tore at matitibay na pintuan. Sarili natin ang lupain sapagkat umaasa tayo kay Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at sa lahat ng dako'y binigyan niya tayo ng katiwasayan.” Ganoon nga ang kanilang ginawa at sila'y naging maunlad.