4 Iniutos niya sa mga taga-Juda na sumunod sa kagustuhan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kanyang kautusan at mga tuntunin.
5 Sapagkat ipinaalis niya ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga altar ng insenso sa mga lunsod ng Juda, naging mapayapa ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamamahala.
6 Pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod sa Juda. At sa loob ng ilang taon ay hindi sila nagkaroon ng digmaan sapagkat binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan.
7 Sinabi niya sa mga taga-Juda, “Patibayin natin ang mga lunsod na ito at paligiran natin ng mga pader na may mga tore at matitibay na pintuan. Sarili natin ang lupain sapagkat umaasa tayo kay Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at sa lahat ng dako'y binigyan niya tayo ng katiwasayan.” Ganoon nga ang kanilang ginawa at sila'y naging maunlad.
8 Ang hukbo ni Asa ay binubuo ng 300,000 kawal mula sa Juda, na may mga sandatang panangga at sibat, at ang 280,000 naman mula sa Benjamin, na may mga pana at panangga.
9 Dumating ang panahon na nilusob sila ni Zera na isang taga-Etiopia. Ang hukbo nito na umabot hanggang sa Maresa ay binubuo ng isang milyong kawal at tatlong daang karwahe.
10 Pagdating doo'y hinarap sila ng hukbo ni Asa at ang hanay ng labanan ay ang libis ng Sefata sa Maresa.