8 Ang hukbo ni Asa ay binubuo ng 300,000 kawal mula sa Juda, na may mga sandatang panangga at sibat, at ang 280,000 naman mula sa Benjamin, na may mga pana at panangga.
9 Dumating ang panahon na nilusob sila ni Zera na isang taga-Etiopia. Ang hukbo nito na umabot hanggang sa Maresa ay binubuo ng isang milyong kawal at tatlong daang karwahe.
10 Pagdating doo'y hinarap sila ng hukbo ni Asa at ang hanay ng labanan ay ang libis ng Sefata sa Maresa.
11 Bago siya lumaban, nanalangin si Asa kay Yahweh na kanyang Diyos, “Wala kang katulad, O Yahweh, sa pagtulong maging sa malakas at mahina. Kaya tulungan ninyo kami, O Yahweh na aming Diyos, sapagkat sa inyo lamang kami umaasa. Sa inyong pangalan, nakaharap kami ngayon sa ganito karaming kaaway. O Yahweh, kayo ang aming Diyos; huwag ninyong hayaang matalo kayo ng tao.”
12 Sa tulong ni Yahweh, natalo ni Asa ang mga taga-Etiopia at tumakas ang mga ito.
13 Hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga kawal hanggang Gerar. Sa tulong ni Yahweh, naubos ang kanilang mga kaaway, at napakarami nilang nasamsam.
14 Winasak nila ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar sapagkat pinagharian ng takot kay Yahweh ang mga mamamayan doon. Pinasok nila ang lahat ng lunsod at napakaraming nasamsam doon.