3 Pinatnubayan si Jehoshafat ni Yahweh sapagkat tinularan niya ang mabuting pamumuhay ng kanyang ama noong una. Hindi siya sumamba sa mga Baal.
4 Nanalig siya sa patnubay ng Diyos ng kanyang ama. Sinunod niya ang Kautusan ng Diyos at hindi tinularan ang ginawa ng mga naging hari ng Israel.
5 Kaya, pinatatag ni Yahweh ang kaharian ni Jehoshafat at ang buong Juda ay nagbuwis sa kanya. Nagkaroon siya ng maraming kayamanan at malaking karangalan.
6 Masigla siyang naglingkod kay Yahweh. Inalis niya sa buong Juda ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga rebulto ni Ashera.
7 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, inutusan niya ang kanyang mga opisyal na sina Benhayil, Obadias, Zacarias, Netanel, at Micaias na magturo sa mga lunsod ng Juda.
8 Kasama rin nila ang mga Levitang sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonijas, Tobias, Tobadonijas at ang mga paring sina Elisama at Jehoram.
9 Nagturo sila sa mga lunsod sa buong Juda na dala ang aklat ng Kautusan ni Yahweh.