1 Pitong taóng gulang si Joas nang siya'y maging hari at apatnapung taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Sibias na taga-Beer-seba.
2 Kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ang lahat ng ginawa niya habang nabubuhay ang paring si Joiada.
3 Ikinuha ni Joiada si Joas ng dalawang asawa at nagkaroon siya sa mga ito ng maraming anak na lalaki at babae.
4 Hindi nagtagal, ipinasya ni Joas na ipaayos ang mga sira sa Templo ni Yahweh.
5 Kaya ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita. Iniutos niya sa mga ito: “Libutin ninyo ang mga lunsod ng Juda at pagbayarin ninyo ang mga tao ng buwis para sa taunang pagpapaayos ng Templo ng inyong Diyos. Gawin ninyo ito sa lalong madaling panahon.” Ngunit hindi agad kumilos ang mga Levita.