5 Kaya ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita. Iniutos niya sa mga ito: “Libutin ninyo ang mga lunsod ng Juda at pagbayarin ninyo ang mga tao ng buwis para sa taunang pagpapaayos ng Templo ng inyong Diyos. Gawin ninyo ito sa lalong madaling panahon.” Ngunit hindi agad kumilos ang mga Levita.
6 Dahil dito, tinawag ng hari ang pinuno ng mga pari na si Joiada. Sinabi ng hari sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo at hanggang ngayon ay wala pang nalilikom na buwis ang mga Levita mula sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem? Ang buwis na iyan ay ipinag-utos sa Israel ni Moises na lingkod ni Yahweh para sa Toldang Tipanan.”
7 Ang Templo ng Diyos ay pinasok ng mga anak ng masamang babaing si Atalia. Kinuha nila ang lahat ng kayamanan at kasangkapan doon at ginamit pa sa pagsamba kay Baal.
8 Iniutos ng hari na gumawa ng isang kaban at ilagay ito sa may pasukan ng Templo.
9 At ipinahayag niya sa buong Juda at Jerusalem na dalhin ang kanilang buwis para kay Yahweh gaya nang utos ni Moises noong sila'y nasa ilang.
10 Nagalak ang mga tao at ang kanilang mga pinuno, at naghulog sila ng kani-kanilang buwis sa kaban hanggang sa mapuno ito.
11 Dinadala naman ito ng mga Levita sa mga kagawad ng hari at ang laman nito ay kinukuha ng kalihim ng hari at ng kanang-kamay ng pinakapunong pari. Pagkatapos, ibinabalik uli ang kaban sa may pasukan ng Templo. Ganito ang ginagawa nila araw-araw kaya't nakalikom sila ng malaking halaga.