9 At ipinahayag niya sa buong Juda at Jerusalem na dalhin ang kanilang buwis para kay Yahweh gaya nang utos ni Moises noong sila'y nasa ilang.
10 Nagalak ang mga tao at ang kanilang mga pinuno, at naghulog sila ng kani-kanilang buwis sa kaban hanggang sa mapuno ito.
11 Dinadala naman ito ng mga Levita sa mga kagawad ng hari at ang laman nito ay kinukuha ng kalihim ng hari at ng kanang-kamay ng pinakapunong pari. Pagkatapos, ibinabalik uli ang kaban sa may pasukan ng Templo. Ganito ang ginagawa nila araw-araw kaya't nakalikom sila ng malaking halaga.
12 Ang nalilikom nilang salapi ay ipinagkakatiwala naman ng hari at ni Joiada sa mga namamahala sa pagpapagawa ng Templo. Umupa sila ng mga kantero, mga karpintero at mga panday ng bakal at ng tanso upang magkumpuni ng mga sira sa Templo.
13 Nagtrabaho nang mabuti ang mga manggagawa. Ibinalik nila sa dating kalagayan ang Templo ng Diyos at pinatibay pa ito.
14 Ibinalik nila sa hari at kay Joiada ang natirang salapi at ipinagpagawa naman ito ng mga kagamitan sa Templo. Gumawa sila ng kasangkapang gamit sa paglilingkod at handog na susunugin, mga lalagyan ng insenso at iba pang mga sisidlang ginto at pilak. Patuloy silang naghahandog ng mga haing susunugin sa Templo ni Yahweh habang nabubuhay pa si Joiada.
15 Tumanda si Joiada at umabot sa sandaan at tatlumpung taóng gulang bago siya namatay.