15 Kumilos naman agad ang mga nabanggit na lalaki upang tulungan ang mga bihag. Ang mga bihag na wala na halos damit ay kanilang binihisan mula sa mga kasuotang nasamsam. Binigyan din nila ang mga ito ng mga sapin sa paa. Pinakain nila't pinainom ang mga bihag at ginamot ang mga sugatan. Ang mahihina nama'y isinakay nila sa mga asno at inihatid sa kanilang mga kasamahang nasa Jerico, ang lunsod ng mga palma. Pagkatapos ay bumalik na ang mga pinuno sa Samaria.
16 Nang panahong iyo'y humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria.
17 Ginawa niya ito sapagkat sumalakay na naman ang mga taga-Edom at natalo ang Juda. Marami na namang nabihag sa kanila.
18 Sinalakay din ng mga Filisteo ang mga bayan sa mga paanan ng mga burol sa kanluran at ang mga bayan sa katimugan ng Juda. Nakuha rin nila ang Beth-semes, Aijalon, Gederot, Soco, Timna at Gimzo pati ang mga nayong sakop ng mga lugar na ito, at sila ang tumira doon.
19 Pinarusahan ni Yahweh ang Juda dahil sa kasamaang ginawa dito ni Ahaz na hari ng Juda at dahil sa kataksilan nito sa kanya.
20 Sa halip na tumulong, kinalaban at ginulo pa ni Tiglat-pileser na hari ng Asiria si Ahaz.
21 Kaya't kinuha ni Haring Ahaz ang mga kayamanan sa Templo at sa palasyo ng hari, sa bahay ng mga opisyal, at ibinigay sa hari ng Asiria. Ngunit hindi rin nakatulong sa kanya ang ginawa niyang ito.