19 Pinarusahan ni Yahweh ang Juda dahil sa kasamaang ginawa dito ni Ahaz na hari ng Juda at dahil sa kataksilan nito sa kanya.
20 Sa halip na tumulong, kinalaban at ginulo pa ni Tiglat-pileser na hari ng Asiria si Ahaz.
21 Kaya't kinuha ni Haring Ahaz ang mga kayamanan sa Templo at sa palasyo ng hari, sa bahay ng mga opisyal, at ibinigay sa hari ng Asiria. Ngunit hindi rin nakatulong sa kanya ang ginawa niyang ito.
22 Lalong nagkasala laban kay Yahweh si Haring Ahaz sa panahon ng kanyang kagipitan.
23 Naghandog siya sa mga diyus-diyosan sa Damasco, ang bansang tumalo sa kanya. Sinabi ni Ahaz, “Ang mga diyos ng mga hari sa Siria ang tumulong sa kanila, kaya doon ako maghahandog upang ako'y tulungan din.” Ito ang nagpabagsak sa kanya at sa bayang Israel.
24 Ang lahat ng kagamitan sa Templo ay sinira ni Ahaz. Ipinasara niya ang Templo at nagpatayo ng mga altar sa lahat ng sulok ng Jerusalem.
25 Gumawa siya sa bawat lunsod ng Juda ng mga burol na sunugan ng insenso para sa mga diyos ng ibang bansa. Dahil dito'y lalong nagalit sa kanya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.