3 Nagsunog siya ng insenso at nag-alay ng mga handog na susunugin sa Libis ng Ben Hinom. Inihandog din niya ang kanyang mga anak na lalaki at sinunog doon tulad ng mga karumal-dumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ni Yahweh nang dumating ang Israel sa lupain.
4 Naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga dambanang pagano, sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
5 Dahil dito, ipinatalo siya ni Yahweh na kanyang Diyos sa hari ng Siria. Maraming mamamayan ng Juda ang binihag nito at dinala sa Damasco. Nilusob din siya ng hari ng Israel at halos naubos ang kanyang hukbo.
6 Sa loob lamang ng isang araw ay may 120,000 kawal ng Juda ang napatay ng mga Israelita sa pamumuno ni Haring Peka na anak ni Remalias. Nangyari sa kanila iyon sapagkat itinakwil nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
7 Pati ang prinsipeng si Maasias, si Azrikam na tagapamahala ng palasyo at si Elkana na kanang kamay ng hari ay napatay ni Zicri, isang mandirigmang taga-Efraim.
8 Bagama't kamag-anak ng mga taga-Israel ang mga taga-Juda, 200,000 kababaihan at mga batang babae at lalaki ng Juda ang binihag nila at dinala sa Samaria. Marami rin silang sinamsam na kayamanan.
9 Si Oded, isang propeta ni Yahweh, ay nasa Samaria noon. Sinalubong niya ang bumabalik na hukbo at kanyang sinabi, “Nagtagumpay kayo laban sa Juda sapagkat galit sa kanila si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ngunit pinuksa ninyo sila dahil sa abot hanggang langit na ang galit ninyo sa kanila.