18 Pagkatapos, pumunta ang mga Levita kay Haring Ezequias at sinabi dito, “Nalinis na po namin ang Templo ni Yahweh, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan doon, pati ang hapag ng mga tinapay na handog at ang mga kagamitan doon.
19 Ang mga kasangkapan namang inalis ni Haring Ahaz nang tumalikod siya sa Diyos ay ibinalik namin at muling inilaan para sa Diyos. Nakalagay na po ang lahat ng ito sa harap ng altar ni Yahweh.”
20 Maagang bumangon si Haring Ezequias at tinipon niya ang mga pinuno ng lunsod. Magkakasama silang pumunta sa Templo ni Yahweh.
21 May dala silang pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong kordero at pitong lalaking kambing na handog pangkasalanan para sa kaharian, sa Templo at sa Juda. Iniutos ng hari sa mga paring mula sa angkan ni Aaron na ihandog ang mga ito sa altar ni Yahweh.
22 Kaya't pinatay ng mga pari ang mga toro at ang dugo nito'y iwinisik nila sa altar. Gayundin ang ginawa sa mga lalaking tupa at kordero.
23 Ngunit ang mga lalaking kambing na handog pangkasalanan ay dinala sa harapan ng hari at ng kapulungan. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga hayop na ito.
24 Pagkatapos, pinatay ng mga pari ang mga kambing at ang dugo ng mga ito'y dinala nila sa altar at inihandog bilang pambayad sa kasalanan ng buong Israel, sapagkat iniutos ng hari na ialay para sa buong Israel ang handog na susunugin at ang handog pangkasalanan.