18 Kahit marami ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan, kumain na rin sila ng korderong pampaskwa. Karamihan sa mga ito ay buhat sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun. Gayunman, nanalangin ng ganito si Ezequias para sa kanila:
19 “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno, patawarin po ninyo ang lahat nang sumasamba sa inyo nang buong puso kahit hindi sila nakapaglinis ng sarili ayon sa kautusan.”
20 Pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinatawad ang mga tao.
21 Pitong araw nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Buong lakas na umawit ng papuri araw-araw ang mga pari at ang mga Levita kay Yahweh.
22 Pinuri ni Haring Ezequias ang mga Levita dahil sa maayos nilang pangangasiwa ng pagsamba kay Yahweh. Pitong araw na ipinagdiwang ng bayan ang kapistahang iyon. Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan, kumain ng mga handog at nagpuri kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 Nagkaisa ang kapulungan na ipagpatuloy ng pitong araw pa ang pista. Kaya, pitong araw pa silang nagsaya.
24 Nagkaloob si Haring Ezequias ng sanlibong toro at pitong libong tupa para sa pagtitipong iyon. Ang mga pinuno naman ay nagkaloob ng sanlibong toro at sanlibong tupa para sa mga tao. Dahil dito, maraming mga pari ang naglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan.