1 Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, ang lahat ng Israelitang dumalo ay pumunta sa mga lunsod ng Juda, at pinutol nila ang mga haliging sinasamba at dinurog ang mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Winasak din nila ang mga sambahan at dambana ng mga pagano. Ginawa rin nila ito sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos ay umuwi na sila sa kanilang mga tahanan.
2 Pinagpangkat-pangkat muli ni Ezequias ang mga pari at Levita at binigyan ng kanya-kanyang gawain: may para sa handog na susunugin, at may para sa handog na pagkain. Ang iba'y tutulong sa pagdaraos ng pagsamba. Ang iba'y taga-awit ng pagpupuri at pasasalamat at ang iba nama'y mangangasiwa sa mga pintuan ng Templo ni Yahweh.
3 Lahat ng handog na susunugin sa umaga at sa gabi, at sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang panahon ay kaloob ng hari, ayon sa itinakda ng Kautusan.
4 Iniutos ni Ezequias sa mga taga-Jerusalem na ibigay sa mga pari at Levita ang para sa mga ito upang ang buong panahon nila ay maiukol sa kanilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Yahweh.