9 Tinanong ni Ezequias ang mga pari at mga Levita tungkol sa napakaraming handog.
10 Ganito ang sagot ni Azarias, ang pinakapunong pari mula sa angkan ni Zadok: “Mula nang magdala ng handog sa Templo ni Yahweh ang mga tao, saganang-sagana kami sa pagkain at marami pang natitira. Nangyari ito dahil sa pagpapala ni Yahweh.”
11 Iniutos ni Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo,
12 upang doon ilagay ang mga kaloob at mga ikasampung bahagi. Si Conanias na isang Levita ang ginawa nilang katiwala sa lahat ng ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na si Simei.
13 Ang iba pang mga katulong nila ay sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias. Pinili sila ni Haring Ezequias at ni Azarias, ang namamahala sa Templo ni Yahweh.
14 Si Korah na anak ni Imna at isang Levita ang bantay sa pintuan sa gawing silangan, ang pinamahala sa pagtanggap at pamamahagi ng mga kusang-loob na handog. Siya ang nagbibigay sa mga pari ng bahagi ng handog ng pasasalamat na para kay Yahweh at ng bahagi ng handog para sa kasalanan na kakainin ng mga pari sa banal na lugar.
15 Ang katulong naman niya sa mga lunsod ng mga pari ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias at Secanias. Sila ang namamahagi sa mga kapatid, matanda o bata, ayon sa kanya-kanyang pangkat.