6 Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh.
7 Pati ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman.
8 Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.”
9 Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel.
10 Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig.
11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia.
12 Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbabá siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo.