9 Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel.
10 Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig.
11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia.
12 Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbabá siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo.
13 Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos.
14 Pagkatapos nito, nagpatayo siya ng karagdagang pader sa labas ng Lunsod ni David sa gawing kanluran ng Batis ng Gihon patungo sa libis hanggang sa may Pintuan ng Isda. Pinaligiran din niya ng mataas na pader ang Ofel. Naglagay din siya ng mga pinunong-kawal sa mga may pader na lunsod ng Juda.
15 Inalis niya sa Templo ang mga diyus-diyosan ng mga bansa at ang imahen ni Ashera. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinagawa niya sa bundok na kinatatayuan ng Templo sa Jerusalem at ipinatapon sa labas ng lunsod.