5 Ipinasunog niya ang mga kalansay ng mga paring pagano sa ibabaw ng kanilang mga dambana. Sa ganoong paraan, nilinis ni Josias ang Jerusalem at ang buong Juda.
6 Ganoon din ang ginawa niya sa mga lunsod ng Manases, Efraim at Simeon at sa mga nawasak na nayon sa paligid ng Neftali.
7 Matapos niyang gawin ang lahat ng ito sa buong Israel, bumalik na siya sa Jerusalem.
8 Inalis ni Josias ang lahat ng karumal-dumal sa buong lupain at sa Templo ng Diyos. Kaya't noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari, sinugo niya si Safan na anak ni Azalias, ang pinuno ng lunsod na si Maasias at ang kalihim niyang si Joas na anak ni Joahaz, upang ipaayos muli ang Templo ni Yahweh.
9 Ibinigay nila kay Hilkias na pinakapunong pari ang pilak na nalikom sa Templo. Ito ang mga nalikom mula sa mga taga-Manases, Efraim, Benjamin, Juda at iba pang mga Israelita at mga taga-Jerusalem. Tinipon ito ng mga Levitang naglilingkod sa Templo.
10 Ibinigay nila ang salaping ito sa namamahala ng gawain sa Templo ni Yahweh para sa pagpapaayos nito.
11 Ang iba nama'y ibinili ng mga bato at kahoy na gagamitin sa pag-aayos ng bubong ng Templo na nasira dahil sa kapabayaan ng mga naunang hari ng Juda.