12 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Hindi siya nagpakumbabá at hindi rin sumunod sa ipinangaral ni propeta Jeremias, na nagpahayag ng mensahe ni Yahweh.
13 Naghimagsik si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar na pinangakuan niya sa pangalan ng Diyos na kanyang susundin. Nagmatigas siya at ayaw magsisi at manumbalik kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
14 Sumamâ nang sumamâ ang mga pinuno ng Juda, ang mga pari at ang mga mamamayan. Tinularan nila ang kasuklam-suklam na gawain ng ibang bansa. Pati ang Templo sa Jerusalem na inilaan ni Yahweh para sa kanyang sarili ay kanilang nilapastangan.
15 Gayunman, dahil sa habag ni Yahweh sa kanila at sa pagmamalasakit niya sa kanyang Templo, nagpatuloy siya sa pagpapadala ng mga sugo upang bigyan sila ng babala.
16 Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito, pinagtatawanan ang mga propeta at binabale-wala ang mga babala ng Diyos. Dahil dito'y umabot sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa kanyang bayan at hindi na sila makaiwas sa kanyang pagpaparusa.
17 Dahil dito, ginamit niya ang hari ng Babilonia upang patayin sa tabak maging sa loob ng Templo ang kanilang mga kabataan. Wala itong iginalang, binata man o dalaga, kahit ang matatanda. Ipinaubaya sila ng Diyos sa kapangyarihan ng hari.
18 Lahat ng kagamitan, malalaki at maliliit sa loob ng Templo ni Yahweh, pati ang kayamanang naroon, gayundin ang sa hari at mga opisyal nito ay dinala sa Babilonia.