20 Ang mga hindi napatay ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Inalipin sila roon ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia ay masakop ng Persia.
21 Ito ang katuparan ng pahayag ni Jeremias na ang lupain ay mananatiling tiwangwang sa loob ng pitumpung taon upang makapagpahinga.
22 Upang matupad ang sinabi niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, inudyukan ni Yahweh si Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:
23 “Ito ang pahayag ni Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng Templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.’”