12 Pagkatapos, sa harap ng buong sambayanan ng Israel, tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at iniunat ang kanyang mga kamay.
13 Gumawa siya ng isang entabladong tanso, dalawa't kalahating metro ang haba gayundin ang luwang at isa't kalahating metro ang taas. Ito ay pinagawa sa gitna ng bulwagan.
14 Nanalangin siya ng ganito:“Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad ninyo sa langit man o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong pangako sa inyong mga lingkod. Tapat ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo.
15 Tinupad ninyo ngayon ang inyong pangako sa inyong lingkod na si David na aking ama.
16 Yahweh, Diyos ng Israel, patuloy sana ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na inyong lingkod nang sabihin ninyo sa kanya: ‘Hindi ko ipapahintulot na ang iyong angkan ay mawalan ng isang nakaupo sa trono ng Israel kung susunod ang iyong mga anak sa Kautusan ko, tulad ng ginawa mo.’
17 Pagtibayin po ninyo Yahweh, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong lingkod.
18 “Subalit maaari po bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na Templong aking itinayo?