22 “Sakaling magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa at siya'y panumpain sa harap ng inyong altar sa Templong ito,
23 pakinggan po ninyo siya, Yahweh, buhat sa langit. Kayo ang humatol sa inyong mga lingkod. Parusahan ninyo ang nagkasala ayon sa bigat ng kanyang kasalanan at pagpalain ang walang sala.
24 “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito,
25 pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.
26 “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa,
27 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan.
28 “Kapag nagkaroon ng taggutom at salot sa lupain, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng higad at balang, at kung ang alinman sa kanilang mga lunsod ay makubkob ng kaaway, kung lumaganap ang sakit at salot,