24 “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito,
25 pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.
26 “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa,
27 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan.
28 “Kapag nagkaroon ng taggutom at salot sa lupain, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng higad at balang, at kung ang alinman sa kanilang mga lunsod ay makubkob ng kaaway, kung lumaganap ang sakit at salot,
29 sa sandaling ang inyong bayang Israel o sinuman sa kanila ay magsisi at iunat ang mga kamay na nananalangin paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa iyo,
30 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong trono at patawarin ninyo sila. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanyang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam ng nilalaman ng puso ng tao.