33 Pakinggan ninyo siya mula sa langit na inyong trono at ipagkaloob ninyo sa kanya ang kanyang hinihiling. Sa ganoon, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang inyong pangalan. At tulad ng Israel, malalaman nila na kayo ay sinasamba sa Templong ito.
34 “Kapag ang inyong bayan ay nakipagdigma laban sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong utos, at sila'y nanalangin na nakaharap sa lunsod na ito na inyong pinili at sa Templong aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo,
35 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Pagtagumpayin ninyo sila.
36 “Kapag ang inyong bayan ay nagkasala sa inyo (at walang taong hindi nagkakasala) at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang matalo at dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit na lupain,
37 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggaping sila'y nagkasala at nagpakasama,
38 sa sandaling sila'y magsisi nang taos-puso at magbalik-loob sa inyo at mula roo'y humarap sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na iyong pinili at sa Templong ito na aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo,
39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan. Pakinggan ninyo ang kanilang panalangin at pagsusumamo at iligtas ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo.