1 Pagkatapos manalangin ni Solomon, may apoy na bumabâ mula sa langit; tinupok ang mga handog, at ang Templo ay napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh.
2 Hindi makapasok sa Templo ang mga pari sapagkat napuno ito ng kaluwalhatian ni Yahweh.
3 Nasaksihan ng buong Israel nang bumabâ ang apoy at nang ang Templo'y mapuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't nagpatirapa sila, sumamba at nagpasalamat kay Yahweh, at nagsasabing, “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
4 Pagkatapos, ang hari at ang buong bayan ay nag-alay ng mga handog kay Yahweh.
5 Naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng sambayanan ang Templo ng Diyos.
6 Nakatayo ang mga pari sa kani-kanilang lugar, kaharap ang mga Levita na tumutugtog ng mga instrumentong ginawa ni Haring David upang pasalamatan si Yahweh. Ito ang awit nila: “Ang tapat niyang pag-ibig ay walang hanggan.” Hinipan naman ng mga pari ang mga trumpeta habang nakatayo ang buong sambayanan ng Israel.
7 Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inialay ang mga handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil at ang mga tabang handog pangkapayapaan, sapagkat hindi magkasya ang mga ito sa altar na tanso na ipinagawa ni Solomon.