10 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, pinauwi na ni Solomon ang mga tao. Masayang-masaya silang lahat dahil sa kagandahang-loob ni Yahweh kay David, kay Solomon at sa kanyang bayang Israel.
11 Natapos ni Solomon ang Templo ni Yahweh at ang sarili niyang palasyo. Sinunod niyang lahat ang plano niya para sa mga ito.
12 Isang gabi, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi sa kanya: “Narinig ko ang iyong panalangin at tinatanggap ko ang lugar na ito upang dito ninyo ako handugan.
13 Isara ko man ang langit at hindi na umulan; utusan ko man ang mga balang upang salantain ang lupaing ito; magpadala man ako ng salot sa aking bayan,
14 ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbabá, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.
15 Babantayan ko sila at papakinggan ko ang mga panalanging iniaalay nila rito.
16 Pinili ko at iniuukol ang Templong ito upang dito ako sambahin magpakailanman. Lagi kong babantayan at mamahalin ang Templong ito magpakailanman.