5 Pinaligiran niya ng pader ang mga lunsod ng Beth-horong Itaas at Beth-horong Ibaba. Nilagyan din niya ang mga ito ng mga pintuang may panghalang.
6 Gayundin ang ginawa niya sa Baalat at sa kanyang mga lunsod-imbakan at mga lunsod-himpilan ng kanyang mga karwahe at ng kanyang mga mangangabayo. Ipinagawa ni Solomon ang bawat magustuhan niyang ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng sakop ng kanyang kaharian.
7-8 Sapilitan niyang pinagtrabaho hanggang sa mga panahong ito ang mga Cananeong hindi napatay ng mga Israelita noong sakupin nila ang lupain ng Canaan. Kabilang dito ang mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at ang mga Jebuseo.
9 Hindi isinama ni Solomon ang mga Israelita sa sapilitang paggawa. Sa halip, naglingkod ang mga ito bilang mga mandirigma: mga kawal at pinuno ng hukbo at ng kanyang mangangabayo at mga karwahe.
10 Sila rin ang ginawang tagapangasiwa ni Haring Solomon sa mga nagtatrabaho sa kanyang mga pagawaan. Ang bilang nila'y 250.
11 Ipinasundo ni Solomon mula sa lunsod ni David ang asawa niya na anak ng Faraon. Dinala niya ito sa palasyong ipinagawa niya para rito. Sinabi ni Solomon, “Hindi dapat tumira ang asawa ko sa palasyo ni David na hari ng Israel. Iyon ay banal na dako sapagkat itinuturing na banal ang lahat ng lugar na mapaglagyan ng Kaban ng Tipan.”
12 Nag-alay si Solomon kay Yahweh ng mga handog na susunugin sa altar ni Yahweh na kanyang ipinatayo sa harap ng portiko.