2 Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot.
3 Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito.
4 Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita.
5 Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan.
6 Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko.
7 Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan.
8 Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.”