6 Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko.
7 Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan.
8 Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.”
9 At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
10 Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum.
11 Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.
12 Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain.