1 Maghagis ka ng tinapay sa gitna ng karagatan at may mapapakinabangan ka pagdating ng araw.
2 Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo masisiguro kung ano ang kasamaang mangyayari sa mundo.
3 Kapag ang ulap ay maitim na't di makaya ang hangin, nagiging ulan itong bumubuhos sa daigdig. Kung saan nakahapay ang punongkahoy ay doon ito mabubuwal.
4 Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di-kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani.
5 Kung hindi mo maaaring malaman kung paanong ang hininga ay pumapasok sa katawan ng isang sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang ina, lalong hindi maaabot ng isip mo kung paano ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.
6 Sa umaga, inihahasik mo ang iyong binhi. Hindi ka tumitigil sa paggawa hanggang gabi sapagkat di mo tiyak kung alin ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. O kaya'y umaasa kang lahat ay iyong papakinabangan.
7 Masarap ang nasa liwanag at kay gandang pagmasdan ang araw.
8 Kung ang tao'y mabubuhay nang matagal, dapat niyang ikagalak iyon. Ngunit alalahanin niyang ang darating na panahon ng kadiliman ay mas mahaba. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.
9 Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang gusto mo at lahat ng kaakit-akit sa paningin mo. Ngunit tandaan mong ang lahat ng ito'y iyong ipagsusulit sa Diyos.
10 Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan.