1 Sino ang ipapantay sa taong matalino na nakakasaliksik sa lahat ng bagay? Ang karunungan ay nagpapasaya sa mukha ng tao; pati ang matigas na anyo ng mukha ay nawawala.
2 Sundin mo ang utos ng hari, at huwag padalus-dalos sa pagbibitaw ng pangako sa Diyos.
3 Lumayo ka sa harap ng hari at huwag mong ipagpipilitan ang anumang labag sa kalooban niya sapagkat maaari niyang gawin ang lahat ng magustuhan niya.
4 Ang utos ng hari ay di mababali at walang makakatutol sa anumang gawin niya.
5 Ang masunurin ay di mapapahamak at alam ng matalino kung ano ang dapat gawin, kung kailan, at kung paano dapat isagawa.
6 May kanya-kanyang panahon at paraan para sa lahat ng bagay ngunit di natin ito lubusang nalalaman.
7 Walang makakapagsabi kung ano ang maaaring mangyari at kung paano ito magaganap.
8 Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan. Sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makakatakas.
9 Lahat ng ito'y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa buong mundo, ang iba'y may kapangyarihan, at ang iba naman ay api-apihan.
10 May nakita akong masasamang taong inilibing ngunit pag-uwi ng mga nakipaglibing ang masamang yaon ay pinupuri sa lugar na ginawan niya ng kasamaan. Ito man ay walang kabuluhan.
11 Ang hatol sa kasamaan ay di agad iginagawad kaya naman ang tao'y nawiwili sa paggawa ng masama.
12 Kung sabagay, daan-daan man ang kasamaang gawin ng masama ay wala ring mawawala sa taong nabubuhay nang matuwid pagkat siya'y may takot sa Diyos.
13 Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makakabuti sa kanya; mamumuhay silang parang anino at maaga silang mamamatay sapagkat hindi sila natatakot sa Diyos.
14 Narito pa ang isang bagay sa ibabaw ng lupa na walang kabuluhan: ang kaparusahang para sana sa masama ay sa mabuti nangyayari at ang dapat namang mangyari sa mabuti ay sa masama nangyayari. Sa palagay ko, ito man ay walang kabuluhan.
15 Kaya para sa akin, ang tao'y dapat magpakasaya sa buhay. Walang pinakamabuti kundi kumain, uminom at magsaya. Ito ay magagawa niya habang siya'y nabubuhay at nagpapakapagod sa mundong ito.
16 Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa daigdig, lalo akong naniniwalang kahit mag-isip nang mag-isip ang tao araw-gabi,
17 hindi niya mauunawaan ang mga gawa ng Diyos. Kahit ano pa ang kanyang pagpaguran sa mundong ito, hindi niya ito mauunawaan. Maaaring ipalagay ng matalino na alam niya ang bagay na ito ngunit ang totoo'y wala siyang nalalaman.