1 Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.
2 Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
3 Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
4 Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
5 Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
6 Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
7 Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
8 Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.
9 Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran?
10 Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao.
11 Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
12 Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay.
13 Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran.
14 Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag, wala ring dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya.
15 Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari.
16 Nakita ko rin sa mundong ito na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran pa rin ng kasamaan.
17 Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay.
18 Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay tulad lamang ng mga hayop.
19 Ang hantungan ng tao at ng hayop ay iisa; lahat ay mamamatay. Ang tao'y walang kaibahan sa hayop, sapagkat ang lahat ay walang kabuluhan.
20 Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi.
21 Sino ang nakakatiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng hayop ay mahuhulog sa kalaliman?
22 Kaya naisip kong walang pinakamabuti sa tao kundi pakinabangan ang kanyang pinagpaguran; ito ang ating bahagi. At sino ang makakapagsabi sa kanya kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?