1 Iginala ko ang aking paningin sa buong daigdig, at nakita ko ang kawalan ng katarungan. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisiil sa kanila.
2 Dahil dito, naisip kong mas mapalad ang mga patay kaysa sa mga buháy.
3 Ngunit higit na mapalad ang mga hindi na isinilang sapagkat hindi na nila nakita ang kasamaan sa mundong ito.
4 Nakita ko ring ang tao'y nagpapakapagod upang mahigitan ang kanyang kapwa. Ngunit ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin.
5 Sinasabi nilang mangmang lamang ang maghahalukipkip ng kamay at magpapakamatay sa gutom.
6 Ngunit mas mabuti pa ang isang dakot na may katahimikan, kaysa dalawang dakot ng pagpapakapagod, at paghahabol sa hangin.
7 Mayroon pang ibang mga bagay sa mundong ito na nakita kong walang kabuluhan:
8 ang isang taong nag-iisa sa buhay, walang kaibigan ni kamag-anak ngunit walang tigil sa pagtatrabaho. Wala siyang kasiyahan. Ni hindi niya itinatanong sa sarili kung kanino mauuwi ang kanyang pinagpaguran. Ito man ay walang kabuluhan, isang miserableng pamumuhay.
9 Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila.
10 Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal.
11 Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya?
12 Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot.
13 Ang isang batang mahirap ngunit matalino ay mabuting di hamak kaysa sa isang matandang haring mangmang na ayaw nang tumanggap ng payo.
14 Ang batang iyon ay maaaring maging hari mula sa bilangguan o kahit siya'y ipinanganak na mahirap.
15 Nakita ko rin na ang lahat ng tao sa mundong ito'y sumusunod sa isang kabataang papalit sa hari.
16 Walang tigil ang pagdami ng taong nasasakupan ng isang hari ngunit pagkamatay niya, isa man ay walang pupuri sa lahat ng kanyang nagawa. Ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin.