1 Ang mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango;at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti kaysa araw ng kapanganakan.
2 Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayankaysa bahay na may handaan,pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay.
3 Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan,pagkat maaaring malungkot ang mukha ngunit masaya ang kalooban.
4 Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan,ngunit matalino ang isang taong naghahanda para sa kanyang kamatayan.
5 Mas mabuting makarinig ng saway ng matalinokaysa isang mangmang ang pupuri sa iyo.
6 Ang halakhak ng mangmangay tulad ng siklab ng apoy,walang kabuluhan.
7 Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang.Ang suhol ay sumisira sa dangal ng tao.
8 Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula.Ang pagtitiyaga ay mabuti kaysa kapalaluan.
9 Pag-aralan mong magpigil sa sarili;mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.
10 Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon,pagkat iya'y tanong na walang katuturan.
11 Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan.
12 Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi.Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.
13 Pag-isipan mong mabuti ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya?
14 Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas?
15 Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal.
16 Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang iyong sarili?
17 Ngunit huwag ka rin namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa panahon.
18 Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo, magtatagumpay ka kung may takot ka sa Diyos.
19 Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang lunsod.
20 Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.
21 Huwag mong pakinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay mismong alila mo ang humamak sa iyo;
22 sapagkat alam mo sa iyong sarili kung gaano na karami ang iyong hinamak.
23 Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang karunungan sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit napatunayan kong hindi pala.
24 Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan.
25 Gayunpama'y nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at walang kabuluhan ang magpakamangmang.
26 Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng tanikala. Ang taong matuwid ay nakakaiwas rito ngunit naaalipin ang mga masama.
27 Sinabi ng Mangangaral, “Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking natuklasan.
28 Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa.
29 Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y nag-iisip ng kung anu-anong bagay.”