16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang.
17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan, at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin.
19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.
20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito.
21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan, at ito'y hindi tama.
22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito?