8 Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay.
9 Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”
10 Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan,
11 “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”
12 Sinabi naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases,
13 “Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’
14 Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma.