1 Pangalawang lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Simeon. Nasa loob ng lupain ng Juda ang lupaing ibinigay sa kanila.
2 Sakop nito ang Beer-seba, Seba at Molada;
3 Hazar-shual, Bala at Ezem;
4 Eltolad, Bethul at Horma;
5 Ziklag, Beth-marcabot at Hazar-susa;
6 Beth-lebaot at Saruhen—labing-tatlong lunsod at bayan ang sakop nila.
7 Kasama rin ang apat na lunsod ng Ayin, Rimon, Eter at Asan at ang mga karatig-bayan nito.
8 Sakop nito ang mga nayon sa paligid hanggang Baalat-beer o Rama ng Negeb. Ito ang lupaing napunta sa lipi ni Simeon bilang bahagi nila.
9 Ang bahaging ito ay nasa loob ng teritoryo ng Juda; sapagkat ang lipi ni Juda ay tumanggap nang higit sa kanilang kinakailangan, ang bahagi nito ay ibinigay sa lipi ni Simeon.
10 Pangatlong lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Zebulun. Ang lupaing napunta sa kanila ay abot sa Sarid.
11 Buhat dito ang kanyang hanggana'y umahong pakanluran patungo sa Marala, nagtuloy sa Dabeset, at sa batis na nasa silangan ng Jokneam.
12 Buhat din sa Sarid, ang hanggana'y pumasilangan hanggang sa Kislot-tabor, lumabas patungong Daberat, at umahon sa Jafia.
13 Buhat doon, nagpatuloy sa Gat-hefer, nagdaan ng Itcazin, lumabas sa Rimon, at lumikong patungo sa Nea.
14 Sa hilaga naman, ang hanggana'y lumikong patungo sa Hanaton, at nagtapos sa Kapatagan ng Jefte-el.
15 Ito ang mga lunsod ng Zebulun: Catat, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem—labindalawang lunsod kasama ang mga nayon nito.
16 Ang mga lunsod na ito at ang mga nayong sakop nila ang napapunta sa lipi ni Zebulun.
17 Napunta sa lipi ni Isacar ang pang-apat na bahagi.
18 Sakop nito ang Jezreel, Kesulot at Sunem;
19 Hafaraim, Shion at Anaharat;
20 Rabit, Cision at Ebez;
21 Remet, En-ganim, En-hada at Beth-pazez.
22 Abot sa Tabor, sa Sahazuma at Beth-semes ang kanyang mga hangganan, at nagtapos sa Ilog Jordan. Labing-anim na lunsod, kasama ang kanilang mga sakop na nayon, ang nasasaklaw ng lupaing ito.
23 Ang mga lunsod at bayang ito ang bahaging napunta sa lipi ni Isacar.
24 Napunta naman sa lipi ni Asher ang ikalimang bahagi.
25 Sakop nito ang Helcat, Hali, Bethen at Acsaf;
26 ang Alamelec, Amad at Misal; abot sa Carmelo at sa Sihor-libnat ang hangganan sa kanluran.
27 Sa pasilangan naman, ang hanggana'y nagtungo sa Beth-dagon, at sa pahilaga, nagdaan sa gilid ng Zebulun at sa Kapatagan ng Jefte-el patungong Beth-emec at Neiel at nagtuloy sa Cabul.
28 Saklaw pa rin sa gawing hilaga ang Ebron, Rehob, Hamon, Cana at hanggang sa Dakilang Sidon.
29 Pagkatapos, ang hanggana'y lumikong patungo sa Rama, at nagtuloy sa Tiro, isang lunsod na napapaligiran ng pader; lumikong muli patungong Hosa, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Kasama sa hilagang-silangan ng lupaing iyon ang Mahalab, Aczib,
30 Uma, Afec at Rehob—dalawampu't dalawang lunsod, kasama ang mga nayong sakop nila.
31 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng mga angkan ng lipi ni Asher.
32 Napunta naman sa lipi ni Neftali ang ikaanim na bahagi.
33 Buhat sa Helef, sa gubat ng mga punong roble sa Zaananim, ang hangganan nito'y nagtungo sa Adamineceb, lumampas ng Jabneel, nagtuloy sa Lacum at nagtapos sa Jordan.
34 Sa pakanluran naman, ang hanggana'y nagtungo sa Aznot-tabor at lumampas na papuntang Hucoca. Karatig ng lupaing ito sa timog ang lupain ng Zebulun, sa kanluran ang lupain ng Asher, at sa silangan ang Juda sa kabila ng Jordan.
35 Ito ang mga lunsod ng Neftali na may mga pader: Sidim, Ser, Hamat, Racat, Cineret,
36 Adama, Rama, Hazor,
37 Kades, Edrei, En-hazor,
38 Jiron, Migdal-el, Horem, Beth-anat at Beth-semes—labinsiyam na lunsod kasama ang mga nayong sakop nila.
39 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Neftali.
40 Napapunta sa lipi ni Dan ang ikapitong bahagi.
41 Sakop nito ang mga sumusunod: Zora, Estaol, Ir-semes,
42 Saalabin, Ayalon, Itla,
43 Elon, Timna, Ekron,
44 Elteque, Gibeton, Baalat,
45 Jehud, Bene-berac, Gat-rimon,
46 Me-jarcon, Racon at ang lupaing nasa tapat ng Joppa.
47 May mga lupain para sa lipi ni Dan na hindi pa nila nasasakop. Kaya't nang kulangin sila ng lupain, sinalakay nila ang Lesem, sinakop ito at nilipol ang mga tagaroon. Pagkatapos nilang makuha ang Lesem, pinalitan nila ang pangalan nito at tinawag na Dan, alang-alang kay Dan na kanilang ninuno.
48 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Dan, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.
49 Matapos tanggapin ng mga Israelita ang kani-kanilang bahagi ng lupain, binigyan naman nila si Josue na anak ni Nun ng para sa kanya.
50 Ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ibinigay nila sa kanya ang lunsod na kanyang hiniling, ang Timnat-sera na nasa lupain ng Efraim. Muli itong itinayo ni Josue at doon siya nanirahan.
51 Ginawa ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun ang pagbabahagi ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Ginawa nila ito sa Shilo, sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan, katulong ang mga pinuno ng mga angkan. Sa ganitong paraan natapos ang pagbibigay sa bawat lipi ng kani-kanilang bahagi sa lupain.