1 Matapos nilang sakupin ang lupaing iyon, ang buong Israel ay nagtipon sa Shilo at itinayo roon ang Toldang Tipanan.
2 Pitong lipi ni Israel ang hindi pa tumatanggap ng kanilang kaparte sa lupain.
3 Kaya sinabi sa kanila ni Josue, “Kailan pa ninyo sasakupin ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno?
4 Pumili kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi. Lilibutin nila ang buong lupain upang gumawa ng plano sa paghahati nito para sa kanila. Pagbalik nila,
5 hahatiin sa pito ang buong lupain. Ngunit hindi magagalaw ang bahagi ni Juda sa timog ni ang bahagi ni Jose sa hilaga.
6 Gagawa kayo ng plano at ilalagay roon ang kani-kanilang hangganan. Ibibigay sa akin ang plano at gagawin ko ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh.
7 Hindi tatanggap ng bahagi ang mga Levita sapagkat ang bahagi nila'y ang paglilingkod kay Yahweh bilang mga pari. Ang mga lipi naman nina Gad at Ruben, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay matatag na sa lupaing ibinigay sa kanila ni Moises sa ibayo ng Jordan.”
8 Nang humarap sa kanya ang mga napili, sinabi sa kanila ni Josue, “Lumakad na kayo at tingnan ninyo ang lupain. Gumawa kayo ng ulat at ibigay sa akin sa inyong pagbabalik. Ako ang gagawa ng palabunutan dito sa Shilo para sa inyo, ayon sa utos ni Yahweh.”
9 Sinuri nga nila ang buong lupain, at hinati sa pito. Itinala nila ang mga lunsod at bayang saklaw ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo.
10 Ginawa nga ni Josue ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh, at sa pamamagitan nito'y binigyan niya ang bawat lipi ng kani-kanilang kaparte sa lupain.
11 Nasa pagitan ng lupain ng lipi ni Juda at ni Jose ang lupaing napapunta sa mga angkan ng lipi ni Benjamin.
12 Sa hilaga, ang hangganan nito'y nagsimula sa Ilog Jordan; umahon sa hilaga ng Jerico, napakanluran sa kaburulan, at nagtapos sa ilang ng Beth-aven.
13 Buhat dito'y nagtungo sa gulod, sa gawing timog ng Luz (na tinatawag na Bethel). Nagtuloy sa Atarot-adar, na nasa kabundukan sa timog ng Beth-horong ibaba.
14 Buhat naman sa kanluran ng bundok na nasa timog ng Beth-horon ay lumiko papuntang timog, at nagtapos sa lunsod ng Baal (na ngayo'y tinatawag na lunsod ng Jearim), isang lunsod ng lipi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran.
15 Sa timog, ang hangganan ng lupaing ito'y nagsimula sa gilid ng Lunsod ng Jearim at nagtapos sa batisan ng Neftoa.
16 Lumusong patungo sa paanan ng bundok na nasa silangan ng Libis ng Ben Hinom at hilaga ng Libis ng Refaim, tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng bundok ng mga Jebuseo, at nagtuloy sa En-rogel.
17 Buhat dito'y lumusong pahilaga patungo sa En-shemes. Nagtuloy ng Gelilot na nasa tapat ng tawiran ng Adumim, at lumusong sa Bato ni Bohan na anak ni Ruben.
18 Dumaan sa hilagang gulod ng Bundok ng Beth-araba, at lumusong sa Araba.
19 Dumaan sa hilaga ng Bundok ng Beth-hogla at nagtapos sa pinagtagpuan ng Dagat na Patay at ng Ilog Jordan. Ito ang hangganan sa timog.
20 Ang Ilog Jordan naman ang hangganan sa gawing silangan. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Benjamin.
21 Ang mga lunsod na napapunta sa lipi ni Benjamin ay ang Jerico, Beth-hogla at Emec-casis;
22 Beth-araba, Zemaraim at Bethel;
23 Avim, Para at Ofra;
24 Kefar-ammoni, Ofni at Geba. Labindalawang lunsod kasama ang mga nayon sa paligid.
25 Kasama rin ang Gibeon, Rama at Beerot;
26 Mizpa, Cefira at Moza;
27 Requem, Irpeel at Tarala;
28 Zela, Elef at Jebus (o Jerusalem), Gibeat, at Lunsod ng Jearim—labing-apat na lunsod kasama ang kanilang mga nayon. Ito ang bahagi ni Benjamin ayon sa kani-kanilang mga angkan.