1 Buhat sa kampo ng Sitim, si Josue na anak ni Nun ay nagpadala ng dalawang espiya. Sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta kayo sa lupain ng Canaan, manmanan ninyo ito, lalung-lalo na ang lunsod ng Jerico.” Pumunta nga sila roon at tumuloy sa bahay ni Rahab, isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw at doon sila nagpalipas ng gabi.
2 Nakaabot sa kaalaman ng hari ng Jerico ang balita na may mga espiyang Israelita na nakapasok sa bayan nang gabing iyon.
3 Kaya't ang hari ay nagpadala ng sugo kay Rahab at ipinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking nasa bahay mo. Naparito ang mga iyan upang lihim na magsiyasat sa ating lupain.”
4 Ngunit itinago ni Rahab ang dalawa, at pagkatapos ay ganito ang isinagot, “Mayroon nga pong mga lalaking nakituloy sa amin, ngunit hindi ko po alam kung tagasaan sila.
5 Umalis po sila nang isasara na ang pintuan ng lunsod bago kumagat ang dilim. Hindi ko po natanong kung saan sila papunta, ngunit kung hahabulin ninyo agad ay aabutan pa ninyo.”
6 Sa itaas ng bubong niya pinatago ang dalawang espiya, at tinabunan ng mga tangkay ng lino na isinalansan niya roon.
7 Hinabol nga ng mga tauhan ng hari ang dalawang espiya hanggang sa tawiran ng Ilog Jordan. Pagkalabas ng mga humahabol, isinara ang pinto ng lunsod.
8 Bago natulog ang mga espiya, umakyat si Rahab sa bubong
9 at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito, at ang mga tagarito'y takot na takot sa inyo.
10 Nabalitaan namin kung paanong pinatuyo ni Yahweh ang Dagat na Pula nang kayo'y tumawid galing sa Egipto. Nalaman din namin na pinatay ninyo sina Sihon at Og, mga hari ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan, at nilipol ang kanilang mga hukbo.
11 Kinilabutan kami nang marinig ang mga balitang iyon. Natakot kaming humarap sa inyo, sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng langit at ng lupa.
12 Kaya ngayo'y ipangako ninyo sa ngalan ni Yahweh na hindi ninyo gagawan ng masama ang aking sambahayan alang-alang sa pagtulong kong ito sa inyo. Bigyan ninyo ako ng isang katibayang
13 ililigtas nga ninyo ang aking ama't ina, ang aking mga kapatid at ang kanilang mga pamilya; katibayang hindi ninyo kami hahayaang mapatay.”
14 Sinabi sa kanya ng mga espiya, “Ang buhay namin ang garantiya sa buhay ninyo. Huwag mo lang ipagsasabi ang pakay namin dito, ipinapangako naming walang masamang mangyayari sa inyo kapag ibinigay na sa amin ni Yahweh ang lupaing ito.”
15 Nakakabit sa pader ng lunsod ang bahay ni Rahab, kaya't buhat sa kanyang bintana'y inihugos niya sa labas ng lunsod ang dalawang espiya.
16 Ngunit bago sila umalis, sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta muna kayo sa kaburulan at magtago kayo roon ng tatlong araw upang hindi kayo makita ng mga tauhan ng hari. Kapag nakabalik na sila sa lunsod, saka na kayo lumakad.”
17 Sinabi naman sa kanya ng dalawa, “Tutuparin namin ang aming pangako alang-alang sa iyo.
18 Kailangang gawin mo ito: Pagbalik namin para sakupin ang inyong lunsod, ilawit mo ang pulang lubid na ito sa bintanang aming bababaan. Tipunin mo sa iyong bahay ang iyong ama't ina, ang iyong mga kapatid at ang buong angkan ng iyong ama.
19 Hindi kami mananagot kung may lumabas ng bahay at mapatay, ngunit pananagutan namin kapag may nasaktan sa sinumang nasa loob ng bahay.
20 Subalit kapag ipinagsabi mo itong ating pinag-usapan, huwag mo nang asahan ang pangako namin sa iyo.”
21 Pumayag ang babae at pagkatapos ay pinaalis na ang mga espiya. Pagkatapos, itinali niya sa labas ng bintana ang lubid na pula.
22 Pumunta nga ang mga espiya sa kaburulan at tatlong araw na nagtago roon habang pinaghahanap sila ng mga tauhan ng hari. Pagkatapos, bumalik na ang mga ito sa lunsod nang hindi nila makita ang mga espiya.
23 Bumabâ naman mula sa kaburulan ang mga espiya, tumawid ng ilog at nagbalik kay Josue. Iniulat nila kay Josue ang buong pangyayari.
24 “Ibinigay na sa atin ni Yahweh ang lupaing iyon,” ang sabi nila. “Mabanggit lamang ang pangalan nati'y nangangatog na sa takot ang mga tagaroon.”