1 Isang bahagi ng lupain ang ibinigay sa lipi ni Manases, sapagkat siya'y panganay ni Jose. Ibinigay ang Gilead at Bashan kay Maquir na ama ni Gilead, anak na panganay ni Manases, sapagkat siya'y isang mandirigma.
2 Binigyan din ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang mga angkan nina Abiezer, Helec, Asriel, Shekem, Hefer at Semida. Sila ang mga anak na lalaki ni Manases, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan.
3 Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak naman ni Maquir at apo ni Manases, ay walang anak na lalaki. Babae lahat ang anak niya, at ang pangalan nila'y Mahla, Noa, Hogla, Milca at Tirza.
4 Lumapit sila kay Eleazar na pari, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniutos ni Yahweh kay Moises na bigyan din kami ng lupain, gaya ng ginawa niya sa iba naming kapatid.” Kaya't ayon sa utos ni Yahweh, binigyan din sila ng bahagi tulad ng kanilang mga kamag-anak na lalaki.
5 Ito ang dahilan kung bakit ang lipi ni Manases ay tumanggap pa ng sampung parte, bukod sa Gilead at Bashan sa kabila ng Jordan.
6 Binigyan din ng kanilang kaparte ang mga anak na babae. Ang Gilead ay napunta sa ibang mga anak na lalaki ni Manases.
7 Ang lupain ng lipi ni Manases ay mula sa Asher hanggang sa Micmetat na nasa tapat ng Shekem. Buhat doon, nagtuloy ang hangganan sa En-tapua.
8 Talagang bahagi ng Manases ang lupain ng Tapua, ngunit ang bayan ng Tapua na nasa gilid ng hangganan ng Manases ay kabilang sa mga bayang napapunta sa lipi ni Efraim.
9 Ang hanggana'y nagtuloy sa batis ng Cana, namaybay rito, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Bahagi ng Efraim ang mga lunsod na nasa timog ng batis, kahit na malapit ang mga ito sa mga lunsod ng Manases.
10 Ang lupain ng Efraim ay nasa timog ng batis at ang lupain ng Manases ay nasa hilaga. Ang Dagat Mediteraneo ang hangganan nila sa kanluran. Katabi ng lipi ni Manases ang Asher sa dulong hilaga, at ang Isacar sa dakong silangan.
11 Sa loob ng lupain ng Isacar at Asher ay may mga lunsod pa ring napunta sa lipi ni Manases: ang mga lunsod ng Beth-sean at Ibleam, pati ang mga nayon sa paligid, gayundin ang mga naninirahan sa Dor, Endor, Taanac at Megido, at sa kanilang mga nayon sa paligid.
12 Ngunit hindi napaalis lahat ng mga taga-Manases ang mga naninirahan sa mga nasabing lunsod, kaya't nanatili roon ang mga Cananeo.
13 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.
14 Lumapit kay Josue ang mga lipi ni Jose at kanilang sinabi, “Bakit iisang bahagi ang ibinigay mo sa amin, gayong napakarami namin sapagkat pinagpala kami ni Yahweh?”
15 Sumagot si Josue, “Kung hindi sapat sa inyo ang kaburulan ng Efraim, pasukin ninyo at linisan ang mga kagubatan sa lupain ng mga Perezeo at mga Refaita.”
16 Tumutol pa ang mga lipi ni Jose, “Hindi pa rin sapat sa amin ang kaburulan. Hindi naman namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan sapagkat sila'y may mga karwaheng bakal; gayundin ang mga Cananeo sa Beth-sean, sa mga nayon sa paligid, at sa Kapatagan ng Jezreel.”
17 Sumagot muli si Josue, “Kayo'y napakarami at makapangyarihan. Hindi lamang iisa ang magiging kaparte ninyo.
18 Mapapasa-inyo ang kaburulan. Kahit na kagubatan pa ngayon, lilinisan ninyo at titirhan ang kabuuan niyon. Mapapalayas ninyo ang mga Cananeo kahit na makapangyarihan sila at may mga karwaheng bakal.”