1 Ang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi ay lumapit sa paring si Eleazar, gayundin kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng buong Israel.
2 Nasa Shilo pa sila noon, sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Ipinag-utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na kami'y bigyan ng mga lunsod na matitirhan at mga pastulan sa palibot para sa aming mga kawan.”
3 Dahil dito, ang mga anak ni Levi ay binigyan nga ng mga Israelita ng mga lunsod at pastulan mula sa kani-kanilang bahagi, ayon sa utos ni Yahweh.
4 Unang tumanggap ng mga lunsod ang mga sambahayan sa angkan ni Kohat. Labing-tatlong lunsod mula sa mga lipi ni Juda, Simeon at Benjamin ang ibinigay sa mga angkan ng mga pari sa lahi ni Aaron.
5 Ang ibang mga sambahayan sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng sampung lunsod mula sa lipi ni Efraim, ni Dan at sa kalahati ng lipi ni Manases.
6 Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon ay binigyan ng labing-tatlong lunsod mula sa mga lipi ni Isacar, ni Asher, ni Neftali at sa kalahati ng lipi ni Manases na nasa Bashan.
7 Ang mga sambahayan sa angkan ni Merari ay tumanggap ng labindalawang lunsod mula sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun.
8 Sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises, binigyan ng mga Israelita ang mga anak ni Levi ng mga lunsod at mga pastulan.
9 Ito ang mga pangalan ng mga lunsod na galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda, na ibinigay sa
10 mga anak ni Aaron, mula sa angkan ni Kohat na anak ni Levi. Sila ang unang nabigyan batay sa palabunutan.
11 Tinanggap nila ang Lunsod ng Arba (si Arba ang ninuno ng mga Anaceo) na ngayo'y tinatawag na Hebron sa kaburulan ng Juda. Kasama nito ang mga pastulan sa palibot.
12 Ngunit ang mga bukirin ng bayan at ng mga nayon ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune, bilang kanyang bahagi sa lupain.
13 Ito pa ang mga lunsod na ibinigay sa mga anak ng paring si Aaron: ang Hebron na isa sa mga lunsod-kanlungan, at ang mga pastulang sakop nito; ang Libna, kasama rin ang mga pastulan nito;
14 ang Jatir, Estemoa,
15 Holon, Debir,
16 Ayin, Juta at Beth-semes, kasama rin ang mga pastulan nito. Siyam na lunsod ang galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda.
17 Mula naman sa lipi ni Benjamin, tinanggap nila ang Gibeon, Geba,
18 Anatot, at Almon—apat na lunsod, kasama ang pastulan ng mga ito.
19 Lahat-lahat, ang mga angkang ito buhat sa lahi ni Aaron ay tumanggap ng labing-tatlong lunsod, kasama ang mga pastulan nito.
20 Ang ibang mga Levita sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng ilang lunsod mula sa lipi ni Efraim.
21 Ibinigay sa kanila ang Shekem na isa rin sa mga lunsod-kanlungan sa kaburulan ng Efraim, kasama ang mga pastulan nito. Ibinigay rin sa kanila ang Gezer,
22 Kibzaim at Beth-horon, gayundin ang mga pastulan nito. Apat na lunsod ang galing sa lipi ni Efraim.
23 Binigyan din sila ng apat na lunsod mula sa lipi ni Dan: ang Elteque, Gibeton,
24 Ayalon, at Gat-rimon, kasama ang mga pastulan nito.
25 Dalawa naman ang galing sa kalahating lipi ni Manases sa kanluran ng Jordan: Taanac at Gat-rimon kasama rin ang mga pastulan nito.
26 Sampung lunsod lahat pati ang mga pastulan nito, ang napunta sa mga sambahayan sa angkan ni Kohat.
27 Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon na anak ni Levi ay tumanggap naman ng dalawang lunsod buhat sa kalahating lipi ni Manases sa silangan ng Jordan. Napunta sa kanila ang Golan na sakop ng Bashan at isang lunsod-kanlungan, pati ang Beestera, kasama ang mga pastulan nito.
28 Buhat naman sa lipi ni Isacar, tumanggap sila ng apat na lunsod: ang Cision at Daberat,
29 Jarmut at En-ganim, kasama ang mga pastulan nito.
30 Apat ding lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Asher: ang Misal, Abdon,
31 Helcat, at Rehob, kasama ang mga pastulan nito.
32 Tatlong lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Neftali: ang Kades sa Galilea, isang lunsod-kanlungan, Hamotdor at Cartan, kasama ang mga pastulan nito.
33 Labing-tatlong lunsod lahat ang napunta sa mga Levitang buhat sa angkan ni Gershon.
34 Ang mga lunsod na ito mula sa lipi ni Zebulun ay tinanggap ng iba pang Levita, mga angkang buhat sa lahi ni Merari: ang Jokneam, Carta,
35 Dimna, at Nahalal—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito.
36 Buhat naman sa lipi ni Ruben, tinanggap nila ang Bezer, Jahaz,
37 Kedemot, at Mefaat—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito.
38 At buhat sa lipi ni Gad, tinanggap nila ang Ramot sa Gilead, isa pa rin sa mga lunsod-kanlungan, Mahanaim,
39 Hesbon, at Jazer—apat na lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan.
40 Labindalawang lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan, ang tinanggap ng mga sambahayan sa angkan ni Merari.
41 Apatnapu't walong lunsod lahat, kasama ang kanilang mga pastulan, ang binawas sa lupain ng labing-isang lipi ni Israel at ibinigay sa mga Levita.
42 May kanya-kanyang pastulan ang bawat lunsod na ito.
43 Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Kaya't nang masakop na nila ang buong lupain, doon na sila nanirahan.
44 Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain, ayon sa ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Hindi sila natalo kailanman ng kanilang mga kaaway, sapagkat pinagtatagumpay sila ni Yahweh laban sa lahat ng kaaway.
45 Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel.