21 At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue.Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita.
22 Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.”
23 Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon.
24 Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila.
25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.”
26 Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy.
27 Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon.