5 Pinaghati-hatian nga ng mga Israelita ang lupaing iyon ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
6 Lumapit noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo'y nasa Kades-barnea.
7 Apatnapung taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan.
8 Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos.
9 Kaya't ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa.
10 Apatnapu't limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo'y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu't limang taon na ako ngayon
11 ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako'y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho.