1 Ang lupaing napapunta sa lipi ni Juda ay mula sa dulo ng Edom at hanggang sa ilang ng Zin sa kaduluhan sa gawing timog.Ito ang pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.
2 Nagmula ang hangganan ng lupaing ito sa timog ng Dagat na Patay,
3 nagtuloy sa Landas ng Acrabim, at lumampas patungo sa ilang ng Zin. Buhat doo'y umahon sa Kades-barnea, nagdaan ng Hezron, nagtuloy sa Adar at lumikong patungo sa Carca.
4 Matapos tahakin ang Asmona, tinunton ang batis ng Egipto at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog.
5 Sa gawing silangan ang hangganan ng lupaing ito'y ang Dagat na Patay hanggang sa bunganga ng Jordan. Dito naman nagsimula ang hangganang hilaga.
6 Umahon ito sa balikat ng Beth-hogla, dumaan sa hilaga ng Beth-araba at nagtuloy sa Bato ni Bohan, na anak ni Ruben.
7 Buhat sa Libis ng Kaguluhan, umahon sa Debir at nagtuloy sa hilaga. Lumiko ito patungong Gilgal na nasa tapat ng Pag-ahon sa Adumim sa timog ng libis, tumawid ng batis ng En-shemes at nagtuloy sa Batis ng En-rogel.