1 Buhat sa kampo ng Sitim, si Josue na anak ni Nun ay nagpadala ng dalawang espiya. Sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta kayo sa lupain ng Canaan, manmanan ninyo ito, lalung-lalo na ang lunsod ng Jerico.” Pumunta nga sila roon at tumuloy sa bahay ni Rahab, isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw at doon sila nagpalipas ng gabi.
2 Nakaabot sa kaalaman ng hari ng Jerico ang balita na may mga espiyang Israelita na nakapasok sa bayan nang gabing iyon.
3 Kaya't ang hari ay nagpadala ng sugo kay Rahab at ipinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking nasa bahay mo. Naparito ang mga iyan upang lihim na magsiyasat sa ating lupain.”
4 Ngunit itinago ni Rahab ang dalawa, at pagkatapos ay ganito ang isinagot, “Mayroon nga pong mga lalaking nakituloy sa amin, ngunit hindi ko po alam kung tagasaan sila.
5 Umalis po sila nang isasara na ang pintuan ng lunsod bago kumagat ang dilim. Hindi ko po natanong kung saan sila papunta, ngunit kung hahabulin ninyo agad ay aabutan pa ninyo.”
6 Sa itaas ng bubong niya pinatago ang dalawang espiya, at tinabunan ng mga tangkay ng lino na isinalansan niya roon.