Josue 22:24-30 RTPV05

24 “Ginawa namin ito sa takot na baka dumating ang araw na sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel?

25 Siya na rin ang nagtakda na ang Ilog Jordan ay maging hangganang maghihiwalay sa atin. Kayong mga lipi ni Ruben at ni Gad ay walang bahagi kay Yahweh na Diyos ng Israel.’ Kapag nangyari iyon, ang aming mga anak ay maaaring hadlangan ng inyong mga anak sa pagsamba kay Yahweh.

26 Ang totoo, itinayo namin ang altar na ito, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog.

27 Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’

28 At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’

29 Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.”

30 Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila.