27 Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’
28 At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’
29 Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila.
31 Kaya, sinabi sa kanila ni Finehas, ang anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin si Yahweh sa araw na ito. Hindi kayo nagtaksil kay Yahweh, kaya iniligtas ninyo ang Israel sa parusa ni Yahweh.”
32 Iniwan ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ang mga lipi ni Ruben at ni Gad sa lupain ng Gilead. Nagbalik na sila sa Canaan at iniulat sa Israel ang buong pangyayari.
33 Natuwa ang mga Israelita at nagpuri sa Diyos. Hindi na nila muling nabanggit ang balak nilang paglusob at pagwasak sa lupain nina Gad at Ruben.