5 Isinugo ko si Moises at si Aaron, at sa pamamagitan ng mga salot ay pinahirapan ko ang mga Egipcio. Pagkatapos ay inilabas ko kayo roon.
6 Inilabas ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sila sa Dagat na Pula. Hinabol sila ng mga Egipciong sakay ng mga karwahe at kabayo hanggang sa may dagat.
7 Ang inyong mga ninuno'y humingi ng tulong sa akin, at naglagay ako ng dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinagsama kong muli ang nahating dagat at sila'y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.
8 “‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan. Nilabanan nila kayo, ngunit pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain.
9 Nilabanan kayo ng hari ng Moab na si Balac na anak ni Zippor at isinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo.
10 Ngunit hindi ko hinayaang gawin ni Balaam iyon, sa halip pinagpala niya kayo. Sa ganoon, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac.
11 Tumawid kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan.